Thank You For Visiting..

31 January 2014

Lyrics And Me Chapter 09




Puspusan na ang pag-eensayo nina Uno ang sumunod na araw. Isang linggo na lang kasi ay concert na ng Hype.


Kinakabahan at excited siya at the same time. Iyon ang unang pagkakataon na sasayaw siya sa harap ng maraming tao at sa isang malaking venue. Sino ang hindi mawiwindang doon? Gayunman, malaking pasasalamat talaga niya at napili siya na isa sa mga backup dancer ng banda.


Kayo na ba?” may panunuksong sa tinig na tanong ni Macky. Katabi niya ito habang nagpapahinga sila. Mayamaya lang ay magsisimula na uli ang ensayo nila.


Napatingin siya rito. “Ano'ng kami? Hindi, no?”


Hmmm? Ang sweet n'yo kaya.”


Mabait lang talaga siya,” wika niya kahit parang gusto ng puso niyang sabihin na “Oo, boyfriend ko na si Chester.” Ang saya siguro kung ganoon. Parang naririnig pa niya ang kanta ni Piolo Pascual na “Mangarap Ka.”


Alam mo, masyado kang manhid, friend. May gusto 'yon sa 'yo,” hirit pa ni Macky.


Nakagat niya ang ibabang labi niya. May gusto nga siguro sa kanya si Chester. Hindi bat at sinabi nito na nanliligaw ito sa kanya?


Eh, baka naman sinabi lang niya 'yon?


Nasa labas ng studio si Uno at nag-aabang ng masasakyang pauwi. Katatapos lang ng ensayo nila. Nagulat siya nang biglang lumapit sa kanya si Chester.


Gulat na gulat ka yata?” natatawang tanong nito sa kanya.


Hindi naman,” sagot ni Uno. “Ang akala ko kasi, may show kayo ngayon.”


Kanina mayroon, pero dumeretso agad ako rito pagkatapos.”


May kailangan ka sa studio?”


Umiling lang si Chester. “Ikaw ang kailangan ko.”


Nag-init ang mga psingi niya. “Ewan ko sa 'yo.”


Tumawa lang ito.


Hindi maalis ni Uno ang tingin kay Chester na noon ay nagpa-piano. Nasa Araneta Coliseum sila para sa practice ng concert. Ang Hype ang nag eensayo ng mga song number ng mga ito, samantalang nagpapahinga muna silang mga dancer.


Panaka-nakang sumusulyap si Chester sa kanya kaya naman pakiramdam niya ay para s kanya ang piano version ng “My Sunshine” na tinutugtog nito.


Pagkatapos nito ay agad na lumapit ito sa kanya. Hindi nakaligtas sa kanya ang nanunuksong ngitian ng mga kaibigan nito.


Dobleng kilig siguro ang mararamdaman niya kung official na silang dalawa.


Nakatayo lang ito sa harap niya kaya sinita niya ito.


Maupo ka kaya rito?” natatawang wika ni Uno.


Umiling ito. “Mas gusto kitang panoorin kaysa maupo.”


Umismid na lamang siya at hinila na ito upang maupo sa tabi niya. Hindi naman ito tumanggai.


Excited ka na ba sa first major concert n'yo?” tanong ni Uno kapagkuwan.


Tumango ito. “Oo naman. Nakakakaba rin siyempre.”


Napagiti si Uno. Sa totoo lang, hindi ito dapat kabahan o ang mga kasama nito. Ang gagaling kaya ng mga ito.


Congratulations nga pala sa inyo. Sold-out ang ticket,” aniya. “Hindi pa nga kayo nagsisimula sa concert ninyo, may nagre-request na agad ng repeat.”


Tila nahihiyang ngumiti ito.


Napaka-adorable tingnan nito sa ngiting iyon. Hindi iyon mukhang palikerong Chester na nakikita ng iba.


Nakaka-flater nga, eh.” Tumingin ito sa kanya. “Ikaw? Excited ka na?”


Tumango si Uno. “Oo, naman. First time ko ring sumayaw sa ganito kalaking venue, tapos, kasama pa kayo.”


Napatingin siya sa kamay nitong mabilis na humawak sa kamay niya. “Thank you for making my days extra special.”


Hindi niya malaman kung ano ang isasagot dito. Ano kaya ang ibig sabihin nito sa “extra special”? Ngumiti na lamang siya at hindi na nagkomento. Baka mahalata lang nito na sobra na siyang kinikilig nang mga oras na iyon.


Bro, magsisimula na tayo.”


Sabay silang napatingin sa nakangising si Enrique. Nagkangitian na lamang sila.


Nang gabing iyon, nagtaka si Uno nang sabihin sa kanya ng kanyang madrasta na gusto siyang kausapin ng itay niya. Naroon na ito sa kuwarto nito at nagpapahinga kaya doon na siya nagtungo.


'Tay?” aniya nang makapasok na sa kuwarto nito.


Dumilat ito at iminuwestra siyang umupo sa silya na nasa tabi ng kama nito.


Kamusta na po ang pakiramdam n'yo?” tanong niya rito.


Maayos na.”


Ano po ba'ng sasabihin ninyo sa akin?” tanong niya.


Nadagdagan ang pagtataka niya nang makitang mukhang nahihirapan itong sabihin sa kanya ang gusto nitong sabihin.


'Tay?”


Bumuntong-hininga ito bago sumagot. “Dumating dito kanina ang nanay mo.”


Tama ba ang narinig niya? “A—ano po?”


Nagkausap kami kanina. Nabigla man ako sa biglang pagpapakita niya, naramdaman ko namang wala akong galit sa kanya. Kaya nakiusap siyang kausapin ko siya. Kahapon siya dumating dito sa Pilipinas at tayo agad ang hinanap niya.” Humugot uli ito ng hininga.


Hindi niya alam ngunit naghalo-halo ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Hindi siya makapaniwalang bumalik ang nanay niya. At nasasabik siyang makita ito.


Tumanggi akong pakinggan ang paliwanag niya dahil, 'kako, mas ikaw ang dapat makarinig ng mga iyon. May pamilya na ako at natapos na ang kabanata naming dalawa. Ikaw na lang, anak, ang nag-uugnay sa amin kaya naman mas ikaw ang dapat niyang paliwanagan,” anito. “Gusto ka niyang makausap. Ibinigay niya ang address ng hotel kung saan siya tumutuloy ngayon.” Kinuha nito ang kapirasong papel na nasa tabi nito at ibinigay iyon sa kanya.


Nanginginig ang kamay na kinuha niya iyon. Nagsisikip ang dibdib niya.


Hinawakan ng ama niya ang kanyang kamay. “Alam kong nasasabik ka nang makita ang nanay mo. Puntahan mo na siya bukas at mag-usap kayo.” Pinisil nito ang kamay niya. “Alam kong may mga pagkukulang ako sa 'yo, anak, pero hindi ibig sabihin na hindi kita mahal. Mahal na mahal kita.”


Tuluyan na siyang napahikbi at yumakap dito. Alam naman niya iyon pero mas lumigaya siya nang marinig iyon mula mismo sa bibig ng kanyang ama.


Bukas ay pupuntahan niya ang kanyang ina. Gusto niya itong makausap at mayakap.


Alas-otso pa lamang ng umaga ay umalis na si Uno ng bahay nila at nagtungo sa hotel kung saan naka-check in ang kanyang ina. Mahaba pa ang oras niya.


Sarisaring tanong ang nasa isip niya. Ano na kaya ang itsura nito ngayon? Bakit sila nito iniwan? Ano ang dahilan ng biglang pagbabalik nito sa kanila?


Habang pataas nang pataas ang sinasakyan niyang elevator ay ganoon na lamang ang tibok ng puso niya. Kaya naman nang makarating siya sa ikapitong palapag kung nasaan ang nanay niya ay halos hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa. Lalo siyang kinabahan nang nasa harap na siya ng pinto ng kuwarto nito.


Bumuntong-hininga muna siya bago kumatok doon. Nang bumukas iyon, agad na natutok ang mga mata niya sa babaeng noon ay naiiyak na habang nakatitig ito sa kanya. Halatang may-edad na ang nanay niya. Gayunman, mababakas pa rin sa mukha nito ang kagandahan nito noong kabataan nito. Pero sa tindig at ayos nito, hindi maipagkakailang galing ito sa ibang bansa.


P—pasok ka, a—anak.”


Pumasok si Uno sa loob. Ang sarap pakinggan ng sinabi nitong “anak.” Mukhang nagdadalawang-isip ito kung ano ang gagawin. Kahit gusto niya itong yakapin ay parang nagdadalawang-isip din siya.


Umupo sila sa sofa. Titig na titig ito sa kanya. Ilang sandali pa ay tuluyan na itong umiyak.


Patawarin mo ako kung iniwan ko kayo noon, anak.”


Napalunok si Uno. Parang may bumikig sa lalamunan niya. Hidni niya lam kung ano ang sasabihin. He sighed. “Gusto ko pong marinig ang paliwanag n'yo.”


Tumigin ito sa kanya at bumuntong-hininga. Kapagkuwan ay nagsimula itong magpaliwanag. Ayon dito, napilitan itong umalis nang walang pasabi dahil ayaw itong payagan ng tatay niya. Hindi raw nito kayang talikuran ang pangarap nito kaya napilitan itong gawin ang desisyong iyon; isang buwan lamang itong nakapagtrabaho sa teatro dahil kasama ito sa mga tinanggal sa hindi nito malamang dahilan. Dahil hindi na nito ma-contact ang nag-recruit dito, lumipad ito papunta sa Amerika. Walong taon din daw itong naghirapdoon, pa-extra-extra sa mga trabaho. Hindi naman daw ito makauwi dahil wala itong pera at wala itong mukhang maihaharap sa kanila ng tatay niya.


Hanggang sa makialala nito ang kapwa Pilipino na naging kaibigan nito at tumulong dito. Nagtayo ang mga ito ng negosyo sa Amerika.


I guess I was lucky to meet him. Sinuwerte ang negosyo namin. Nakabangon ako. At ang sabi ko sa sarili ko, uuwi ako rito kapag naging maginhawa na ng buhay ko. Babalikan ko kay ng itay mo. Pero noong isang taon, namatay sa isang car accident ang kaibigan ko. Naiwan sa akin ang negosyong itinayo naming dalawa. Naging abala ako dahil may mga empleyado kami na umaasa roon kaya naman ipinagpaliban ko na muna ang pag-uwi ko rito hangga't hindi pa naaayos ang sitwasyon namin doon.


At ngayong natpos ko na ang gagawin ko roon ay nandito na ako, bumabalik sa inyo. Pero nag-asawa na pala ang tatay mo. Hindi ko rin naman siya masisisi. Wala kayong balita sa akin sa halos labintatlong taong nandoon ako sa ibang bansa. Pero nandito ako ngayon, anak, para sa 'yo. Missed na missed ka na ni Nanay. Walang araw at gabi na hindi kita iniisip,” umiiyak na sabi nito.


Nanlabo ang mga mata niya sa pamumuo ng mga luha roon. Hanggang sa tuluyan nang tumulo ang mga iyon.


Naawa siya sa kanyang ina. At nagsisikip ang dibdib niya sa nalaman niyang pinagdaanan nitong hirap.


Lumapit siya rito at mahigpit itong niyakap. Ginantihan naman nito iyon ng mas mahigpit sa yakap. Napahagulhol siya. Dininig talaga ng Panginoon ang dasal niya na sana ay mayakap uli niya ang nanay niya. Alam niyang hindi na sila magkakahiwalay ngayong nagbalik na ito.


Uno, may problema ba?”


Tumingin siya kay Chester at umiling. Katatapos lang ng ensayo nila. Hindi pa niya nasasabi rito ang tungkol sa pagkikita nila ng nanay niya kanina. Hindi pa niya iyon nasasabi rito dahil hindi pa siya nakakapagdesisyon sa sinabi ng nanay niya. Ang akala kasi niya ay sa Pilipinas na ito maninirahan, for good. Pero hindi pala iyon maaari dahil hindi nito puwedeng iwan ang negosyo nito sa Amerika. Kaya naman nabigla siya nang sabihin nito sa kanya na isasama siya nito sa Amerkia.


Siyempre ay hindi siya nakasagot. Wala siyang maisagot dahil hindi niya kayang umalis ng Pilipinas at tumira sa ibang bansa – dahil sa tatay niya, sa mga kapatid niya, at siyempre, kay chester. Kahit wala siyang assurance mula sa binata, mayroon pa rin siyang pag-asang nararamdaman na baka isang araw ay magtapat din ito ng pag-ibig sa kanya. Tungkol naman sa tatay niya, huwag daw niya itong problemahin, sabi ng nanay niya. Tutulungan daw nito ang kanyang ama sa pamamagitan niya.


Masaya siyang marinig iyon. Pero hindi pa rin niya kayang umalis kahit sinabi ng nanay niya na puwede naman siyang umuwi kada taon para bisitahin ang tatay niya. Sinabi na lamang niya rito na pag-iisipan muna niya ang alok nito. Saka na lamang ito aalis kapag nakapagdesisyon na siya.


Pero alam niyang umaasa ito na sasama siya rito sa pagbabalik nito sa Amerika. Gusto rin niya iyon pero malakas ang puwersang pumipigil sa kanya para huwag na lamang umalis, at iyon ay si Chester.


Dapat ay magpahinga ka na. Sa susunod na araw na ang concert. Kailangan mong mag-ipon ng lakas,” nakangiting wika ni Chester sa kanya.


Napangiti rin siya. “Okay lang ako.” Nag-excuse siya rito na pupunta muna sa restroom upang magbihis. Paglabas niya ay nasa labas ito at hinihintay siya. Natawa siya nang mahina. “Puwede namang doon ka na lang sa exit naghintay.”


Ngumiti ito nang matipid. “Gusto kitang masolo rito.”


Nag-init ang mga pisngi niya sa sianbi nito. At bago pa siya makahuma ay hinaklit na siya nito sa baywang at mabilis siyang hinalikan sa mga labi.


Ilang sandali lamang siyang hindi nakapag-react at tinugon din niya ang halik nito. Natuto na siya mula sa mga kissing scene nila kaya alam na niya kung paano tutugon sa mainit na halik nito.


Nang maghiwalay ang mga labi nila ay kapwa sila naghahabol ng hininga.


Hinaplos ni Chester ang mga labi niya. “I'm the only one who has the right to kiss these lips, okay?”


Napatingin si Uno rito at tumango. Kinilig siya sa sinabi pero agad ding naglahp iyon. Paano nito nasasabi iyon kung wala naman itong nababanggit tungkol sa nararamdaman nito sa kanya?




Enjoy yourself while you're dancing, okay?” 'Wag n'yong kalimutan ang mga p-in-ractice natin,” ani Ma'am Badeth.


Iyon na ang araw na pinakahihintay nina Uno: ang concert ng Hype. Nasa loob sila ng dressing room, nakabihis, at handang-handa na. Ilang sandali na lamang ay magsisimula na sila.


Hindi makakapunta ang tatay niya dahil maaga itong dapat magpahinga. Ang nanay naman niya ay nakaupo sa harap ng stage. Bukas ay babalik na ito sa Amerika. Ipapakilala na lamang niya rito si Chester bago umalis.


Kahapon ay sinabi na niya sa kanyang ina ang desisyon niya; hindi siya sasama rito pabalik sa Amerika. Naintindihan naman siya nito at sinabing ito na lamang daw ang dadalaw sa kanya. Mayroon ding Skype kung saan puwede silang magkausap kahit malayo sila sa isa't isa.


Nagdasal muna silang lahat bago sila pumunta sa stage. Pagkatapos niyon ay nagulat pa siya nang biglang pumasok doon si Chester at nilapitan siya.


'Wag kang kabahan, okay?”


Natawa si Uno. “Ikaw nga riyan ang kinakabahan, eh.”


Tumawa rin si Chester. Mabilis siya nitong ginawaran ng halik sa mga labi niya at nagpaalam na ito.


Narinig niya ang mahabang “uuuuy” ng mga kasama niya. Napangiti na lamang siya.


Ilang sandali pa ay pumunta sa sila sa stage sa pagsisimula ng concert.


Napangiti siya nang makitang punong-puno ang Araneta Coliseum. Iba't ibang klase ng makukulay na banner para sa Hype ang nakikita niya. Dahil doon ay napalis ang kaba niya. Masaya siya at maraming taong nagpunta roon.


Nang magsimula nang kumanta ang Hype ay biglang lumiwanag ang buong stage. Naghiyawan ang mga tao roon kasabay ng pagsigaw ng mga ito sa pangalan ng banda. Bawat song number ng mga ito ay sinusuklian ng hiyawan ng mga tao. Parang nararamdaman din niya ang sayang nararamdaman ni Chester.


Mahigit tatlong oras ang itinagal ng concert. Nang tingnan niya ang oras ay alas onse na ng gabi. Mula sa backstage ay naririnig niya ang finale song na kinakanta ng banda, ang carier single ng debut album ng mga ito; “My Sunshine.”


Napangiti si Uno. Ang gnda-ganda ng gabing iyon para sa kanya. Napaka-successful ng concert ng banda ng mahal niya.


Ang mahal mo na hindi mo naman malaman kung mahal ka rin o naku-cute-an lang sa 'yo.


Agad na nagtungo siya sa harap upang makita si Chester. May interview pa ang mga ito at magpapa-pictuure kasama ang ilang mapapalad na fans. Suwerte namang nasa malapit lang siya nakapuwesto. Gamit ang digital camera ni Macky na hiniram niy, agad niyang kinunan ng litrato si Chester. Napangiti siya nang makitang abala sa pagsagot ng mga tanong si Chester at ang mga kaibigan nito.


Chester, boyfriend mo ba ang isa sa mga backup dancer sa concert ninyo? 'Uno' ba ang pangalan n'on?” tanong ng isang reporter dito.


N—no, he's just a friend,” sagot ni Chester.


So, you're very single and available?”


Yes.”


Parang gumuho ang pag-asa sa puso ni Uno. Parang gong na pabalik-balik na umaalingawngaw sa isip niya ang sinabi ng binata sa isa lamang siyang kaibigan.


Napaatras siya at pinunasan ang mga luhang nag-uunahan sa pagpatak sa mga pisngi niya. Bakit ba kasi umasa siyang may iban itong pagtingin sa kanya? Bakit ba umasa siyang pagmamahal ang dahilan kung bakit siya nito hinahalikan? Baka sanay lang talaga ito ng ganoon.


Nagmamadaling kinuha ni Uno ang bag niya sa dressing room nila. Tapos na ang concert; wala na siyang gagawin doon. Kasabay ng pagtatapos ng concert na iyon ay ang pagtatapos ng ilusyon niya kay Chester.


Humugot ng hininga si Uno pagkatapos niyang ibaba ang cell phone. Naroon na siya sa bahay nila. Tinawagan niya ang nanay niya at sinabi ritong nagbago ang isip niya. Sasama na siya rito.


Ano pa ba ang gagawin niya roon? Nang tanungin siya nito kung bakit ay sinabi na lamang niya rito na sa susunod na niya sasabihin. Mas mabuti na rin iyon, mas madaling gamutin ang puso niyang sugatan kung lalayo siya.


Pinahid niya ang mga luha niya. Kanina pa siya iyak nang iyak ngunit ang bigat pa rin ng dibdib niya.


Napatingin siya sa cell phone niya nang makitang tumatawag doon si Chester. Naiinis na pinatay niya iyon, pagkatapos ay tinakpan niya ng unan ang mukhan iya. Kasalanan niya ang lahat. Kung hindi ba naman siya sobrang tanga at umasa ay hindi siya mag-iiyak nang ganoon ngayon.


Pilit na kinalma niya ang sarili. Siguro ay paraan na rin iyon ng Diyos para magising siya.


Walang ibang puwedeng sisihin kundi siya at ang puso niyang ewan.


Kinabukasan, sinabi niya sa tatay niya ang desisyon niya. Naiintindihan naman siya nito dahil ito na rin mismo ang nagsabi sa kanya na kailangan din niyang makipag-bonding sa ina niya. Sinabi rin niya rito na dadalaw naman siya sa mga ito.


Nagpunta rin siya sa kanyang ina at dinala roon ang mga gamit niya. Naikuha na pala siya nito ng visa at sa susunod ay ipepetisyon na siya nito para magpabalik-balik na lamang siya sa Amerika. Kitang-kita sa mga mata nito ang saya.


Kahit gusto niyang maging masaya ay hindi niya magawa dahil sa sakit na nararamdaman. Masakit talaga iyong umasa siya pagkatapos ay sesemplang lang pala siya. Pakiramdam tuloy niya ay ang damot-damot ng tadhana sa kanya. Nakita nga uli niya ang kanyang ina pero kapalit naman niyon ay ang pagkawala ng lalaking mahal niya.


Nagpaalam din agad siya sa kanyang ina.


Nag-abang na siya ng taxi sa labs ng hotel nang biglang may humintong pamilyar na kotse sa tapat niya. Nagririgodon ang puso niya nang bumaba mula roon si Chester. Agad na lumapit ito sa kanya.


“Uno, may problema ka ba? Bakit umuwi ka na lang bigla pagkatapos ng concert?” tanong nito.


Itinutok na lamang niya sa ibang direksiyon ang mga mata niya dahil naiiyak na naman siya. Ayaw niyang magmukhang timang sa harap nito.


Napaigtad siya nang hawakan siya nito sa braso.


May problema ba tayo?”


Nagpanting ang mga tainga niya sa walang kuwentang tanong nito. May problema ba sila? Ganoon ba talaga ito kasadista para magmaang-maangan na wala itong ginawa sa kanya? Hindi man nito alam na narinig niya ang isinagot nito sa mga reporter, hindi man lang ba ito na-guilty sa isinagot nito?


Let's not talk here,” anito at lumingon sa paligid.


Napaismid siya. Takot yata itong makita ng reporter at baka tanungin na naman ito kung sino siya sa buhay nito.


Umalis ka na, Chester. May pupuntahan pa ako,” pagtataboy niya rito sa nanginginig na boses.


I know something's bothering you. Mag-usap muna tayo, please,” anito sa kanya at binuksan na ang kotse nito.


Napabuntong-hininga siya. Fine., kakausapin na lang niya ito kaysa naman mag-usap sila sa kalsada.


Dinala siya nito sa isang restaurant kung saan wala gaanong diner. Nang dumating ang order nila ay tinitigan lang niya iyon at hindi kumain. Iniiwasan talaga niya ang mapatingin sa binata.


May nagawa ba akong mali?” tanong nito sa kanya mayamaya.


Clueless ka pa rin ba?” aniya na hindi pa rin tumitingin dito.


Bumuntong-hininga ito at hindi sumagot.


Napabuntong-hininga rin siya at nagpasyang sagutin na ito. Uselss kung tatanungin lang siya nito at magtatanong naman siya rito. “Narinig ko ang isinagot mo sa reporter kagabi sa concert,” aniya.


Napatingin ito sa kanya.


Nagpatuloy siya. “Friend mo lang ako? Kungsabagay, ganoon lang naman talaga siguro tayo. Ang akin lang, sana ay hindi mo ako pinaasa sa paglalalmbing mo sa akin. Sa mga ipinakita mong pagpapahalaga sa akin. Masakit kasi umasa ako, pagkatapos maririnig ko mula sa 'yo na magkaibigan lang pala tayo. Masakit sa part ko.”


Hindi ito nakaimik.


Sana, wala ka na lang ginawa para umasa ako.”


Uno, sincere naman ang lahat ng ginagawa ko sa 'yo,” ani Chester.


Sincere? Pati iyong halik?” aniya. “Ang halik, ginagawa ng dalawang taong nagmamahalan.”


Uno, listen, I'm not ready for a serious relationship. I don't know.... To be honest with you, mas gusto ko munang i-treasure ang freedom ko ngayon. Pero alam mong mahalaga ka sa akin,” paliwanag ni Chester.


Ngumiti si Uno ng mapait. Napaka-absurb ng rason nito. Tumayo na siya. “Fine, naiintindihan nita. Sana sa susunod na may taong mamahalin kay ay ready ka na.” Hindi na niya itinago ang sarkasmo sa tinig niya.


Naglakad na si Uno palayo ng lugar na iyon. Nabigo pa siya sa pag-aakalang hahabulin siya ni chester. Napailing siya. Hindi iyon pelikula para may habulan pang magaganap. Ibig sabihin lang niyon ay wala na talaga sila. Makakalimutan din niya ang binata. Sana.






2 comments:

  1. syang po.. nagandahan po ako kaso mukhang tagal ng walang update..
    naiwan na nmn po ako sa ere.. niweys po.. medyo baguluhan lang ako sa
    POV.. hindi kc madistinguish ng maayos e.. pero gusto ko ung story..
    kya nga nadala na nmn ako at eto nanghihinayang

    jihi ng pampanga

    ReplyDelete
  2. Sorry Jihi... Naka sked kasi mga story ko dito... Thanks sa pagbabasa... Wala lang po net ngaun at phone lang gamit ko... Pagnagkaroon post ko po agad... Akala ko wala nagbabasa ng mga stories ko dito eh...

    ReplyDelete