Napaangat
ang mukha ni Enzo mula sa pagkakasubsob niya sa tambak na trabaho
nang mapansin na may kung sino ang nagbaba ng takeout coffee sa mesa
niya. Alas-nuwebe na ng gabi pero nasa opisina pa rin siya at
tinatapos ang nanganganak yatang mga work load niya. Nang mga
nakaraang araw kasi ay naghahabol na ng deadline ang editorial
department dahil malapit na ang proposed date nila sa paglabas ng
bagong edition ng GQ magazine. Masyado siyang naging abala kaya
panandalian din niyang nakalimutan ang nakagawiang pangungulit kay
JM. Isa pa, mukhang abala rin ito sa napakarami nitong business
appointments.
Nakailang
tawag nga rin sa kanya ang mommy nito dahil hindi na raw siya
nakakapasyal sa bahay ng mga ito. Nami-miss na raw siya nitong
kakwentuhan. Dahil maaga siyang naulila sa ina, napalapit nang husto
ang loob niya sa mommy ni JM at ganoon din ito sa kanya.
“JM...
Nandito ka pa pala?” tanong niya nang malingunan ang binata.
Ito ang nagpatong ng kape sa mesa niya.
Umupo ito
sa silya na nasa harap ng mesa niya. “Hindi ba dapat ako ang
nagsasabi sa 'yo n'yan? Ano't nandito ka pa? Kanina pa nakauwi ang
mga kasama mo, ah?”
“May
tinatapos pa kasi akong trabaho.” Hinubad niya ang eyeglass
niya at saka inabot ang ibinaba nitong kape. “Sa akin ba 'to?
Iinumin ko na ha?” aniya at dinala sa bibig niya ang paper cup.
Napansin
niyang dumampot ng isang folder si JM sa mga nakatambak na folder sa
mesa niya. “Hindi naman ito nira-rush. Umuwi ka na. Bukas mo na
lang ito asikasuhin,” sabi nito nang mabuksan ang folder.
Ibinaba
nito ang folder at inabot ang bag niya, saka siya hinila patayo.
Nagulat siya sa inakto nito at muntik nang matapon ang hawak pa rin
niyang kape. Bakit ba parang gustong-gusto na siya nitong itaboy
paalis sa opisina niya?
“Sandali
lang, JM.” Binawi niya nag kamay niyang hawak nito at ibinaba
sa mesa ang hawak na kape.
“Mamaya
pa ako uuwi, may --”
“May
hinihintay kang maghahatid sa 'yo pauwi?” putol nito sa
sasabihin niya.
“Ha?”
nalilitong turan ni Enzo.
“Pansin
ko lang na parating si Thomas ang naghahatid sa 'yo pauwi kapag
nag-o-overtime ka,” madilim ang mukhang saad nito.
Napakunot-noo
siya. “Paano mo nalaman 'yon?” nahihiwagaang tanong niya
rito.
Aminado
siya sa mga nagdaang araw ay halos hindi sila nagkikita ni JM dahil
marami rin itong inaasikaso, samantalang siya ay madalas mag-overtime
dahil amy mga nira-rush silang trabaho. Ilang beses din na
pinagbigyan niya si Thomas na ihatid siya pauwi. Bukod kasi sa
napakakulit nito ay pagod na rin naman siya sa buong maghapon at wala
nang enerhiya para makipagtalo pa kung kaya umoo na lang siya.
Sira din
kasi ang kotse niya at nasa talyer pa. Nakaka-stree din naman ang
mag-commute. Besides, wala naman iyong ibang ibig sabihin sa kanya.
Kaya ngayon ay ipinagtataka niya kung bakit alam ni JM ang tungkol
doon. Palagi itong wala sa opisina sa ganoong oras kaya kataka-takang
alam nito ang bagay na iyon.
“Paanong
hindi ko malalaman, eh, nakikita ko kayo?” walang emosyong
tugon ni JM sa tanong niya.
“Nakikita
mo kami? Paano? Lagi ka naman wala, ah? May mga mata ka b rito sa
loob ng kompanya?” naguguluhan pa ring tanong ni Enzo.
“A—ano...”
Parang bigla itong naubusan ng sasabihin. “Bumabalik ako rito
pagkatapos ng mga scheduled appointments ko para i-check kung ano ang
natapos sa trabaho n'yo para sa buong araw. At nakikita kitang
sumasakay sa kotse ni Thomas. Nasaan ba ang kotse mo?” naiinis
na turan nito.
“Nasa
talyer. Hmm...” Napangisi si Enzo. Nagseselos ba ito? Ano kaya
kung pagselosin pa niya ito nang sobra? Susubukan lang niya kung may
epekto ba rito ang gagawin niya. “Oo. Inihahatid nga niya ako.
Ano naman sa 'yo?” aniyang pinagtaasan pa ito ng isang kilay,
saka humalukipkip sa harap nito.
“Akala
ko ba ayaw mo sa kanya?” naiinis na tanong ni JM.
“Parang
okay naman siya, eh. Sinusubukan ko lang kung nhanggang saan ang
tatag niya. At huwag mo siyang siraan sa akin. Alam kong galit ka sa
pinsan mo pero hindi ko kakagatin ang magiging paninira mo sa kanya,”
nakalabing sabi pa niya rito.
“Aba't!”
nagpupuyos ang dibdib na sikmat nito sa kanya. “Sisiraan?
Matagal ng sira ang isang iyon. At ano naman ang pakialam ko sa
kanya? Haist! O ayan!” nayayamot na ibinalik nito sa kanya ang
bag niya. “Bahala ka nang umuwing mag-isa. O kaya, magpahatid ka
na lang sa ugok na Thomas na 'yon,” bulyaw nito, saka mabilis
na itong naglakad palabas ng opisina niya.
Napangiwi
si Enzo. Bakit ba naisip pa niya na posibleng magselos si JM? Hindi
naman siya nito gusto. Nag-level up na naman ang pagpapantasya niya
rito at nakalimutan niya ang katotohanang iyon. At mukhang panibagong
alalahanin na naman ang haharapin niya ngayon. Nakita kasi niya sa
mukha nito ang labis na pagkainis at basta na lang siya nitong iniwan
doon. Malamang ay hindi na naman siya nito kikibuin sa susunod na
araw.
Bumalik
siya sa kanyang mesa at muling pinagtuunan ng pansin ang kape na dala
ni JM. Bukas na lang niya ito susuyuin. Pagod na rin kasi siya sa
maghapong pagtatrabaho.
Iniinom
na niya ang kape nang muling bumukas ang pinto ng opisina niya at
iniluwa niyon ang malaking bulto ni JM. Walang pasabing inagaw nito
sa kanya ang hawak na paper cup, ibinaba iyon sa mesa, at hinila siya
patayo.
“At
talagang wala kang balak na sumunod sa akin, no?” yamot na saad
nito at inabot muli ang bag niya. “Balak mo talagang magpahatid
sa Thomas na 'yon? Mamaya pa siya uuwi dahil marami pa siyang
inaasikaso sa accounting. Ako na lang ang maghahatid sa 'yo!”
Napatunganga
na lang si Enzo dito. What is with this man? Ang akala niya ay umalis
na ito. And to think na sinabi nitong wala raw itong pakialam sa
kanya! Bakit ngayon ay kinakaladkad na siya nitong palabas ng opisina
niya? At nagprisinta pa itong ihatid siya pauwi. Naguguluhan na
talaga siya sa inaasta nito. Pero hindi na lang siya nagtanong at
baka magbago pa ang isip nitong ihatid siya. Nanahimik na lang siya
habang binabaybay nila ang daan pauwi.
“Salamat,”
sabi ni Enzo nang iparada na nito ang sasakyan sa tapat ng bahay
nila.
Kakababa
lang niya sa sasakyan nag humarang si JM sa daraanan niya. Hinila
siya nito patungo sa hood ng sasakyan nito.
“Can
you stay for awhile?” tanong nito sa kanya.
Nagtatanong
ang mga mata ni Enzo ng tumingin ito kay JM.
“Bakit?”
“Wala,
gusto ko lang mag-usap tayo. Naninibago na kasi ako sa 'yo.”
Napangiti
si Enzo. “Mag-uusap? Under the moon and the stars? Hmmm... Okay
rin 'to, ah. Medyo romantic ang dating. Ito ba ang first date natin?”
panunudyo niya rito, saka siya sumampa sa hood ng kotse nito.
May
kinuha ito sa backseat ng sasakyan, saka tumabi sa pagkakasampa niya
sa hood ng kotse nito.
“Bah!
Akalain mo 'yon? Boyscout ka rin pala, laging handa,”
pang-aasar niya rito nang inilabas na nito mula sa mga paper bag ang
mga takeout food na dala nito.
“Alam
kong gutom ka na, nagpa-takeout na ako. Laging walang tao sa bahay
n'yo at malamang na kung ano na lang ang maisipan mong kainin.
Binubwisit mo ako kanina kaya hindi agad kita inalok,”
pasuplado pa ring saad nito.
Paano
nito nalaman na wala silang stay-in na maids? Wala rin kasing
pagsisilbihan ang mga maid dahil madalas na wala ang daddy niya sa
bahay at abala ito sa pag-aasikaso sa mga negosyo ng pamilya sa
iba't-ibang branch niyon sa loob at labas ng bansa. Ang dalawa niyang
kapatid ay may kanya-kanya na ring pamilya at may sarili ring bahay
na naroon din naman sa parehong village nila. Madalas ay sa bahay na
lang siya ng mga kapatid dumadayo ng pagkain kapag tinatamad siyang
magluto, o mas tamang sabihin na hindi kasi siya marunong magluto.
Mahilig lang siyang kumain pero wala siyang silbi pagdating sa mga
gawain sa kusina. Hindi rin naman niya gusto na pinagsisilbihan siya.
Napangiti
siya. Kilalang-kilala na talaga siya ni JM. Kahit ang paborito niyang
pagkain at alam nito – crispy noodles with assorted seafood at
barbeque fish fillet.
Tahimik
na silang kumain, panakanaka ay sinusulyapan niya si JM. Para kasing
may nagbago rito.
Hindi ang
pagbibigay ng pagkain ang tinutukoy niya – dahil madalas na nitong
gawin iyon, alam kasi nito na ang kumain ang nag-iisang libangan niya
– kundi ang ginagawa nito ngayon. Para na rin kasi silang
nagde-date sa ginagawa nila. Ang jologs nga lang ng date nila.
Pagkatapos
nilang mag-dinner sa labas – labas ng bahay nila – ay tahimik
silang nanatiling nakaupo sa hood at nakatingala sa langit. Nasa
ganoo lang silang akto sa mahabang sandali. Hinihintay niya ito na
magbukas ng topic of discussion pero nanatili lang itong tahimik.
Nang hindi na siya makatiis ay binilangan niya ito upang sitahin. Ang
sabi kasi nito ay mag-uusap sila pero tila mapapanisan na sila pareho
ng laway roon. Pero nang tangka niyang pagsita rito ay naudlot
pagkatapos niyang mapagmasdan ang guwapong mukha nito.
His
handsome face, bathed in the moonlight was the most gorgeous face he
had ever seen in his entire life. O baka dahil ni minsan ay hindi
naman niya tinangkang tumingin sa ibang lalaki. Pero bakit pa niya
iyon gagawin kung sa tuwina ay nakikita naman niya ang guwapong mukha
ni JM kahit saan man siya lumingon. He was his everything. Si JM lang
ang nag-iisang lalaki na nagpatibok ng puso niya at nagpakabog ng
dibdib niya. Ito lang ang mag-iisang lalaki na nagpadama sa kanya na
kompleto siya tuwing kasama niya ito. At kapag tumingin siya sa mga
mata nito, nakikita niya na taglay nito ang lahat ng nais niya sa
buhay.
“Kapag
ganitong gabi at tumitingala ako sa langit, naaalala ko 'yong gabi ng
prom night natin noong high school,” nakangiting saad ni Enzo
habang hindi inaalis ang tingin kay JM.
Bumaling
ito sa kanya. Nagrigodon ang puso niya nang ngumiti ito. At parang
gusto na lang niyang himatayin sa mga bisig nito.
“Prom?
Bakit sa dinami-rami ng puwede mong maiisip 'yong prom pa?”
nagtatakang tanong nito bagaman at nakangiti.
Ngumiti
rin siya rito nang ubod-tamis. “Siyempre, ang gabing 'yon ang
pinakaimportanteng gabi ng buhay ko. Kasi, iniligtas ako ng
prinsipeng pinagkakautangan ko ng pangalawang buhay ko at ilang beses
na rin niya akong iniligtas sa panganib.” Tumingala siya sa
langit. “At noong gabing 'yon din naganap ang pinaka-memorable
first dance ever sa buhay ko.”
“Memorable?
Eh, hindi naman tayo umabot sa venue? Sa tapat lang ng science
building tayo sumayaw ng first dance natin, di ba?” umiiling
habang natatawang saad ni JM.
Bumaling
uli siya rito. “Yon nga ang memorable do'n eh. Solo natin ang
lugar.”
Oh,
reminiscing about the old times always made him smile from ear to
ear. Pakiramdam niya ay para siyang hinihinla pabalik sa nakaraan.
No comments:
Post a Comment