“ANDREW,
ikaw muna ang um-attend ng meeting para kay CJ.”
Kakababa
lamang ni Andrew mula sa kanyang silid nang maulingan niyang
nagsasalita ang kanyang Ate Janice. Pasalampak na umupo siya sa silay
sa harap ng mesa at nagsimulang lantakan ang kanyang almusal. Wala na
ang iba pa nilang kasama sa kanilang kaharian. Malamang na
nagsialisan na ang mga iyon nang maaga para sa kanya-kanyang gawain
para sa araw na iyon. Mula nang umuwi siya galing ng Singapore ay
wala na siyang ginawa kundi ang magpakalat-kalat na lang sa mga mall
at makipagkita sa mga dating kaibigan. Kapag hindi naman busy ang
boyfriend niyang si Charles James, ito naman ang pinaguukulan niya ng
atensiyon. Malapit na kasi itong sumakay uli sa barko bilang chief
engineer. Kaya sinusulit na nila ang mga sandaling puwede silang
magkasama.
Hindi
magkapareho ang estado ng pamumuhay nila ni Charles at ayaw sa kanya ng
mga magulang nito, dahil ano nga lang ba siya? Dati lang siyang card
dealer sa isang casino sa Singapore na natipuhan ni Charles dahil sa
akin nitong kakisigan nang magbakasyon ito sa Singapore. Hindi na
siya nagpakipot pa noon, dahil hindi niya ugaling magpakipot kung
gusto rin naman niya ang isang lalaki. At dahil minsan lang siyang
may matipuhan --- at nagkataong gusto rin siya nito --- hindi na
nagdalawang salita pa si Charles James. Dalawang linggo lang ang
pinadaan niya at boyfriend na niya ito. Ano ba ang malay niya na isa
iyon sa mga bagay na ikadidismaya ng pamilya ng binata sa kanya.
Gayunman,
itinuloy pa rin niya ang pakikipagrelasyon kay Charles hanggang sa
hilingin nito sa kanyang umuwi na siya ng Pilipinas para maipakilala
sa pamilya nito. Dahil gusto niyang baguhin ang pagkadigusto sa kanya
ng pamilya ng nobyo ay sinunod niya ito --- kahit kapalit pa niyon ay
wala na siyang babalikang trabaho sa Singapore. Hindi na niya inisip
ang magiging knoselwansiya ng gagawin niya, mapatunayan lang niya sa
pamilya ni Charles kung ano ang kaya niyang iwan para sa nobyo. Pero sa
halip na gumanda ang impresiyon ng mga ito sa kanya, lalo pa iyong
napasama. Iniisip ng mga ito na kaya siya umalis sa trabaho ay dahil
inaasahan na niyang ang kasintahan na ang bubuhay sa kanya.
“Such
a gold digger!” paratang ng mga ito sa kanya. Kung hindi lang
siya sinuyo ng kasintahan ay talagang bibitw na talaga siya sa
relasyon nila.
“Pagpasensiyahan
mo na sila. Ang mahalaga, nagkakaunawaan tayo at alam mong mahal
kita. Hindi naman sila ang pakikisamahan mo, kundi ako,” sabi
sa kanya ni Charles. Pero hindi niya yata kakayanin na sa habang
panahon ay ganoon ang treatment ng mga ito sa kanya. Sa kabilang
banda, lagi niyang iniisip ang ginagawang pagpupursigi ni Charles maisalba lamang ang kanilang relasyon. Kaya naman kahit paano,
nagkakaroon pa rin siya ng lakas ng loob para ipaglaban ang relasyon
nila ng nobyo.
“Bakit
ako pa, Ate? May lakad ako ngayon,” reklamo niya rito.
“Wala
naman kuwenta 'yang pupuntahan mo. Maglalakwatsa ka lang kasama si
Mhelo. Samantalang ako, kailangan sa flower shop ngayon dahil marami
kaming orders na kailangang asikasuhin. Bakit ba kasi hindi ka pa
maghanap ng trabaho mo nang hindi ganyang inaaksaya mo lang ang oras
mo sa mga walang-kwentang bagay?” sermon sa kanya ng ate niya.
Tama nga
naman ito. Wala talagang kuwenta ang mga pinaggagagawa niya sa
araw-araw. Pero hindi ibig sabihin niyon na kaya wala siyang trabaho
ay dahil tamad siya o hirap na matanggap sa trabaho. Sa katunayan,
napakaraming trabaho na puwede niyang pasukan dahil dalawang course
ang natapos niya --- Business Management at Tourism. Kaya lang,
pinili niyang sundin ang nais ni Charles. Huwag na raw muna siyang
mag-aaply ng trabaho dahil gagawan nito ng paraan na magkasama sila
pagsakay sa barko. Iyon nga lamang, baka abutin pa nang ilang buwan
bago siya maisama. Mauuna muna itong umalis sa isang linggo, at
tatlong buwan ang kontrata nito sa barko.
“Alam
mo naman sa sinusunod ko lang ang gusto ni Charles. Gusto ko rin naman
na magkasama kami sa trabaho,” pangangatuwiran niya sa kapatid.
“Ayan
na nga ba ang ayaw ko sa lalaking 'yan, kinokontrol ka masyado. Paano
mo pa mababago ang image mo sa pamilya niya, kung pati trabaho mo ay
siya pa ang mag-aasikaso? Lalo mo lang pinapatunayan sa kanila na
tama sila ng iniisip tungkol sa 'yo,” patuloy na sermon ng
kanyang kapatid.
“Gusto
lang ni Charles na magkasama kami.”
“Ewan
ko sa 'yo. Basta sinasabi ko na sa 'yong disagree ako sa planong
ninyong 'yan. Mabuti pa, ikaw muna ang humawak ng flower shop natin
sa Manila.”
“Ate,
nandito tayo sa Laguna, tapos itatapon mo ako sa Manila? Paano kami
magkakasama ni Charles niyan? Nandito lang din ang tinutuluyan niya.
Tatamarin na 'yon na magbiyahe araw-araw.”
Ang
Javier Flowers and Souvenirs ay may ilang branch na rin sa kalakhang
Maynila at ang buong pamilya niya ang nagma-manage niyon. Doon sila
kumukuha ng ikinabubuhay nila. Sa simula't sapul, iyon na ang
kinamulatan nilang negosyo ng mga magulang nila. Iyon ang nagtaguyod
sa kanilang apat na magkakapatid, kaya malaki ang malasakit ng buong
pamilya sa negosyo nilang iyon. Ganoon din naman siya. Sa katunayan,
ang kinikita niya sa Singapore ay idinadagdag niya sa puhunan ng
negosyo ulia upang mas mapaunlad pa iyon. Sa kasamaang-palad, wala sa
paghahalaman ang linya niya. Nasa paglipad kung saan-saang lugar ang
nais niyang gawin sa buhay. In short, nais niyang maglagalag habang
kumikita, kaya nga Tourism ang kursong kinuha niya. Sa
kasamaang-palad, ang pagiging card dealer sa casino ang kinabagsakan
niya pagpunta sa Singapore. Manloloko kasi ang recruiter na nakuha
niya. Gayunpaman ay nagpapasalamat na rin siya dahil hindi napariwara
ang buhay niya roon.
Nang
imungkahi sa kanya ni Charles na magtrabaho na lamang siya bilang
manager sa isa sa mga restaurant sa barkong sasakyan nito --- dahil
may background din naman siya sa business management --- ay hindi na
siya nagdalawang-isip pa. Kahit anong trabaho, basta makakapaglagalag
siya ay papatusin niya. Pero siyempre, kasama na rin doon ang isiping
magkakasama sila ng kanyang nobyo.
Minsan ay
napapaisip si Andrew, ano ba talaga ang mayroon si Chalres James na
nakapanghalina sa kanya kaya naisip niya na sagutin ito agad. Ang
pagiging seaman ba nito na sa tuwina ay dahilan kung bakit
nakakapagkuwento ito sa kanya tungkol sa mga lugar na napuntahan
nito. O ang pangalan nitong “James.”
Lahat
yata ng lalaki na may kalakip na pangalang “James” ay palaging
may hatid na kakaibang pakiramdam sa kanya. Bakit? Iyon ay dahil sa
nag-iisang lalaki na nakapagpadama sa kanya ng kakaibang damdamin ---
way back during his high school days --- na hindi niya maramdaman kay Charles James. Minsan, gusto pa rin niyang pagdudahan ang sarili kung
ano ba ang estado ni Chalres sa puso niya. Para kasing hirap ang
kalooban niya na banggitin sa harap nito ang mga salitang “I
love you.” Was it possible that his heart had already run out
of love just because the only person he happened to love had thrown
his heart away like a piece of trash?
Nah,
imposible! Mahal ko naman si Charles. And it wasn't because his
name reminded him of Keith. At bakit ba naiisip ko na naman ang
impaktong James Keith Montenegro na 'yon. I'm through with loving
him! Matagal ko na siyang binura sa buhay ko.
“Hindi
ka niya mahal,” naulingan niyang saad ng kapatid niya.
“Alam
ko!” paasik na tugon niya rito.
“Alam
mo?” naguguluhang tanong ng kapatid niya sa kanya. “Alam
mo na hindi ka mahal ni Charles? Eh, bakit ka pa nagpapatuloy sa
relasyon ninyo?”
“Ha?
Ano'ng sabi mo, Ate? I'm not talking about Charles, I'm talking about
---” Bigla siyang napahinto. Kung saan-saan na pala naglakbay
ang diwa niya. Hindi nga ba at si Charles ang topic of discussion
nila ng kanyang ate. Bakit ang tungkol sa hinayupak na si James Keith
“Mambabasag ng Puso ng May Puso” Montenegro ang nasa isip
niya? “What I'm trying to say is, paano mo nasabing hindi ako
mahal ni Charles?” bawi ni Andrew.
Mataman
siyang tinitigan ng kapatid tila ba may nais pa itong sabihin pero sa
huli ay hindi na rin nito itinuloy. Alam na niya kung ano ang iniisip
nito. Marahil ay nahulaan na nito kung saan na naman naglamyerda ang
magulong pag-iisip niya. Alam ng ate niya ang lahat-lahat tungkol sa
kanya. They were the closest siblings in the family and they shared
almost everything.
“Kung
sinasabi mong tatamarin lang ang boyfriend mo na magbiyahe mula rito
hanggang manila para magkasama kayo, aba, mag-isip ka na, dahil ibig
sabihin lamang n'on ay hindi ka niya gano'n kamahal. Ang totoong
nagmamahal, hindi kailanman mahahadlangan ng distansiya. Kahit nasaan
ka pa, gagawa at gagawa dapat ng paraan para lang makapunta ---”
“Hep!”
pigil ni Andrew sa tangkang palilitanya sa kanya. “Nauunawaan
ko na, Ate. Nauunawaan ko na. Na kahit ano'ng sabihin ko, hindi pa
rin ako mananalo sa 'yo. So, kailan mo ba ako balak ipatapon sa
Maynila?”
“Sa
isang araw na. Mahirap naman kasi na ibang tao pa ang mamahala roon
gayong wala ka namang importanteng pinagkakaabalahan sa buhay. Sa
ngayon, um-attend ka na lang muna ng meeting sa school ng pamangkin
mo. Malamang na tungkol lang iyon sa graduation ng mga bata,”
utos nito sa kanya. Kahit kailan talaga ay napakatamad ng ate niya na
um-attend sa mga parents meeting sa school.
“Okay.
Anong oras?” tanong na lamang niya.
“Ten
AM.”
“Ten
AM?” Napatingin siya sa relong pambisig.
“Nine-thirty
na, ah.”
“Kaya
na nga magmadali ka na riyan.” wika ng kanyang ate.
Naiiritang
sinulyapan niya ito. Hindi man lang siya nito inabisuhan nang mas
maaga. Ano ba akala nito sa kanya? Si Wonder Woman? Na isang pitik
lang ng mga daliri ay magagawa na niya ang mga pinapagawa nito?
Mabilis
na niyang tinapos ang almusal at nag-ayos para pumunta sa school ng
pamangkin.
Nakatayo
si Andrew sa labas ng classroom ng pamangkin niyang si Paul.
Hinihintay na lamang nila na matapos ang pagbibigay ng instruction ng
guro sa mga bata kung saan lang puwedeng maglaro ang mga ito habang
nasa meeting silang mga guardian. At dahil sa kawalan ng magagawa ay
pinagtuunan na lang muna niya ng pansin ang sahig na nalalatagan ng
magandang uri ng floor tiles. Alam niyang hindi kayang tanggalin ng
sapatos niya ang tiles pero patuloy pa rin siya sa pagduldol ng
kanyang paa roon. At nang hindi sinasadyang mapadulas ang pagduldol
niya at eksakto pang may dadaan ay may natisod siya.
“Naku,
sorry po. Pasensiya ka na.” Tinulungan niyang makatayo ang
lalaking natisod niya.
“Andrew?”
Napatutok
ang tingin niya sa mukha ng lalaki. Napakaimposible na hindi niya ito
makilala o ang kahit na sinong may kinalaman kay James Keith. Grrr! James na naman! Ang akala niya ay nakalimutan na niya ang
pagsintang-pururot niya para sa lalaking iyon. Pero bakit ngayong
nakatagpo lang siya ng isa sa mga taong may napakalaking kaugnayan
dito ay hindi na agad niya maunawaan ang sarili.
“Oh...
Hi Enzo. A-attend ka rin ng meeting?” tanong niya rito. Pilit
na pinakaswal ang boses na para bang walang epekto sa kanya na makita
uli ang dating kaibigan at pinaka-close na pinsan ni Keith.
“Oo.
Sino ang sinusundo mo dito? Anak mo?” ang tila nakakainsultong
tanong ni Enzo kay Andrew.
Anak
ko? Mukha ba akong may anak? Mabilis niyang sinipat ang sarili sa
one-way mirror na nagsisilbing pinto ng isang opisina na katabi ng
classroom ng pamangkin niya. Narinig niya ang pagtawa ni Enzo.
Napansin marahil nito ang inakto niya.
“Maganda
ka pa rin, girl. Huwag kang mag-alala. Hindi pa halatang may anak ka
na? At alam ko naman na wala pa nabibili na artificial na matris kaya
huwag kang masyado mag-ilusyon. Katunayan mas gumanda ka ngayon kaysa
noong ---” sabi ni Enzo.
“Hoy,
Enzo. Talagang maganda ako at mukhang walang anak dahil wala naman
talaga akong anak. Pamangkin ko ang ipinunta ko sa meeting na ito,”
nakasimangot na putol ni Andrew sa sasabihin pa sana ni Enzo.
“Binibiro
ka lang, pikon ka naman agad. Pareho tayo, pamangkin ko rin ang
ipinunta ko rito. Uy, kumusta ka na raw sabi ni Keith,”
dere-deretsong sabi nito.
Bigla ay
nawala sa tamang huwisyo ang puso niya tulad ng madalas mangyari
kapag nakakarinig siya ng tungkol kay Keith. Parang nagwawala iyon sa
lakas ng kalabog sa loob ng dibdib niya. Pero mabilis din niyang
naibalik sa tamang huwisyo ang isip niya nang mapansing kuntodo ang
pagngiti ni Enzo. Noon niya naunawaan na ginu-good time lamang siya
nito. Paano siya kukumustahin ni Keith kung gayong aksidente lang nag
pagkikita nila ni Enzo?
“Excuse
me? Whana ako care sa pinsan mo, 'no?” nakataas ang isang kilay
na sabi niya rito.
“Weh?
Bakit ka nagpa-flash?” panunudyo pa sa kanya ni Enzo.
“Mukha
ba akong inodoro?”
“Hindi
naman. Ikaw lang naman 'yong laman,” tumatawang sagot nito.
Inambaan
niya ito ng suntok, pero tumawa lang ito at tinampal siya sa braso.
“Na-miss kita, friend. As in!” impit na tiling sambit ni
Enzo.
Natawa si
Andrew sa inakto ng kaibigan. Nailalabas lamang niya ang ganoong
ugali sa mga malalapit lamang niyang kaibigan noon. At isa si Enzo sa
mga iyon. Nawalan lamang sila ng communication dito noong magkolehiyo
na sila. Lumipat na kasi siya ng university na pinapasukan. Bagman
sina Enzo at Keith, maging ang kaibigan nilang si Mhelo ay nanatili
sa university kung saan sila nagtapos ng high school. Nagdesisyon
siyang lumipat na ng school dahil sa hindi kanais-nais na pangyayari
noong nasa high school sila. Gusto na talaga kasi niyang makalimot,
lalo na at walang kamatayan ang panunudyo ni Enzo sa kanila ng pinsan
nitong si Keith. Hanggang sa lumalim nang lumalim ang damdamin niya
para sa pinsan nito, na sa huli ay wala rin namang magandang
maidudulot.
“Ako
rin, bruha. Na-miss kita, akala mo ba?” nakangiting saad niya.
“Ano na ang balita sa 'yo? May boyfriend ka na?”
“Baka
naman ang gusto mo talagang itanong ay kung ano na ang balita kay Keith at kung may asawa na siya?” nakangiting hirit pa nito.
“Hay
naku! Hindi pa rin talaga nagbabago ang baklang ito. Tigilan mo na
nga ako. Matagal ko nang nakalimutan ang pinsan mong 'yan. 'Saka may
boyfriend na ako.”
“Ay,
sayang naman,” palatak ni Enzo, kapagkuwan at tiningnan siya
nang mabuti.
“O?
Para saan naman 'yang tingin na 'yan?” nakataas ang isang kilay
na tanong ni Andrew.
“Sigurado
ka ba? Baka bumalik ang pagsintang-pururot mo sa pinsan ko kapag
nakita mo uli siya. He's as handsome as ever. Hindi pala, mas guwapo
pala siya ngayon.”
Alam
kong guwapo ang pinsan mo, pero utang-na-loob, tama na pagbi-build up
mo sa amin at baka umandar na naman ang kabaliwan ko. Nakalimutan ko
na siya!
Napabuntong
hininga si Andrew. All right! I haven't forgotten him yet. But I'm
trying to.
“Guwapo
rin ang boyfriend ko,” sabi na lamang niya.
“Okay,
sinabi mo, eh. Saan ka nagtatrabaho ngayon?” tanong ni Enzo kay
Andrew.
“Wala.
Pakalat-kalat lang ako sa paligid,” sagot nito. Pero hindi niya
matiis na mawala nang tuluyan si Keith sa tsismisan nila ni Enzo.
Kaya naman kahit alam niyang lalamunin siya ng lupa kapag sinabi niya
ang laman ng isip ay itinuloy pa rin niya. “Ano'ng trabaho niya
ngayon?”
“Nino?”
pinosenteng tanong pa ni Enzo.
Grrr.
“Si Keith,” simplang tugon
ni Andrew.
Isang malutong na halakhak ang pinakawalan ni Enzo pagkasambit niya
ng pangalan ng pinsan nito. At wala na siyang kawala, huling-huli na
siya nito. Kasasabi pa nga lang niya na wala siyang pakialam sa
hinayupal na pinsan nito pero hayun siya at hindi napigilan ang
sariling magtanong ng tungkol kay Keith.
Eh,
bakit ba? Masama ban'ng mangamusta nang walang malisya?
“Tumigil
ka nga sa pagtawa mo riyan. Nagmumukha ka nang baliw,” angil
niya rito. “Sagutin mo na lang ang tanong ko, parang hindi ka
kaibigan niyan, ah.”
“Kaibigan
mo ako, kaya alam ko ang totoo,” nakangising saad ni Enzo.
“Ayun, nagma-manage siya ng sarili niyang business sa Maynila. Sole
owner siya ng isang hindi kalakihang electronics trading,”
kapagkuwan ay sagot nito, habang pinipigil pa rin nito ang sarili sa
pagtawa.
Teka,
Maynila? “Hmmm... Good for him,” kaswal na sabi ni Andrew.
And for me. Mukhang posibleng magkasangga ang mga landas namin,
ah.
Sandali
nga Andrew, hindi ba't kasasabi mo lang kanina na nakalimutan mo na
siya?
Pero
mukhang ang isinisiksik niya sa isip sa loob ng walong taon ay
taliwas sa totoong idinidikta ng kanyang puso. Dahil hayun na naman
ang pagwawala ng puso niya sa kanyang dibdib pagkatapos makarinig ng
tungkol kay Keith. Pero sandaling magsanga uli ang mga landas nila ni
Keith ay posibleng mabaligtad uli ang mundo niya. Tulad noong nasa
high school pa lamang sila.
No comments:
Post a Comment