“Call
me, okay?”
Napipilitang
tumango na lang si Chester upang matapos na ang usapan nila ng
kanyang latest fling. Wala siyang dapat na ikabahala dahil malinaw
naman dito ang real score sa pagitan nila. Iyon nga lang, gusto pa
nitong ulitin ang nangyari sa kanila. Pero wala siyang balak gawin
iyon.
Tumayo na
ito pagkatpos siyang halikan. Umayos siya ng upo at tiningnan ang
lalaking naroon sa harap ng salamin at nag-aayos. Malalim na ang gabi
at uuwi na ito sa bahay nito. Naroon sila sa condo unit niya nang mga
oras na iyon.
Lihim na
lang siyang napailing nang maalala niyang hindi na niya matandaan
kung ano ang pangalan ng lalaki. Noong isang araw lang niya ito
nakilala sa Tavern. He was so game, he was the one who invited him to
make out.
Sino ba
siya para tumanggi? The man was hot and handsome. Iyong typical na
lalaking nakakasama niya. Matangkad, makinis, well defined specs at
higit sa lahat, malinis.
“I'll
go ahead.”
Napatingin
siya sa lalaki na noon ay tapos nang magbihis. Tumango siya.
“Call
me,” ulit nito sa sinabi nito kanina. Ngayon ay hindi na ito
tipong nakikiusap; parang nag-uutos na.
“Sure
baby,” nakangiting wika niya.
Lumabas
na ito at naiwan siyang mag-isa roon sa kuwarto niya.
Ipinikit
niya ang mga mata. Sobrang napagod siya dahil kanina ay nagkaroon
sila ng dalawang TV guesting. Ang isa ay isang talk show at ang isa
naman ay isang variety show kung saan binigyan ang banda nila ng
tripple platinum award para sa album nilang Hype Unleashed. It was
overwhelming, to think na iyon ang unang album nila ngunit grabe ang
supportang ipinapakita ng mga tao sa kanila.
Ngayon
naman ay pinaghahandaan na nila ang kanilang first major concert.
Everything was just perfect. Masaya siya sa nangyayari sa career nila
at masaya siya sa mga kaibigan niya --- kahit pakiramdam niya ay
napag-iiwanan na siya sa aspetong pag-ibig.
Napangiti
si Chester. Ikakasal na si Alex, ganoon din sina Jun at Andy. Mukhang
siya na lang ang natitirang single sa grupo nila. Nalulungkot siya,
siyempre, lalo na at iniinggit siya ng mga kaibigan niya kung gaano
kaganda kapag may tunay ka nang mamahalin at pakakasalan.
Pero ano
ang magagawa niya? Sa talagang hindi sa babae tumitibok ang puso niya
at hindi pa niya nakikita ang lalaking para sa kanya. Sa ngayon ay
nakokontento muna siya sa mga lalaking dumarating at umaalis sa buhay
niya. Okay na iyon sa kanya. Wala rin naman siyang maramdamang
espesyal sa mga ito.
As far as
he could remember, the last time he fell in love was when he was in
college. Hindi na iyon nasundan. Ngayong twenty-six years old na siya
ay tila lalong umilap ang pag-ibig sa kanya.
He wasn't
worried, though. Alam niyang kusang darating iyon. Hindi rin siya
atat na magkaroon ng bagong boyfriend. Mas pabor siya kung
pa-easy-easy lang ang buhay niya, lalo na ngayong nagsisimula na
nilang maabot ang pangarap nilang magkakaibigan para sa kanilang
banda. What more he could ask for?
Well,
maybe a man that could satisfy him --- emotionally. And a man that
would make his heart beat like crazy.
Napailing
si Chester. Iyon na yata ang epekto ng mga pinagsasasabi sa kanya ng
mga kaibigan niya. Ipinikit na niya ang mga mata, maaga pa ang ensayo
nila bukas.
“Saan
ka na naman galing?”
Napabuntong-hininga
si Uno nang marinig ang tinig ng kanyang tatay. Ang akala niya ay
tulog na ito. Dahan-dahan niyang isinara ang pinto at lumapit dito
upang magmano.
“Nag-ensayo
lang po kami sa gym,” nakayukong sagot niya.
Napailing
ito. “Sayaw na naman?
Hindi ka na ba talaga matatapos diyan sa pagsasayaw mo?”
Nakayuko
pa rin siya at hindi sinagot ang itay niya. Lalo lang hahaba ang
sermon nito kung sasagot siya.
“Hindi
kita pinagtapos ng kolehiyo para sa pagsasayaw mo. Bakit hindi ka
maghanap na matinong trabaho? Wag mong sayangin ang oras mo sa
pinaggagagawa mo.”
Nakagat
na lamang niya ang ibabang labi niya upang hindi na siya
makapagsalita. Wala ring saysay kung sasagot siya at magdadahilan
dahil hindi rin naman siya maiintindihan ng kanyang ama.
Tumayo na
ito at pumasok sa kuwarto.
Saka pa
lamang siya nakahinga.
Pumasok
na rin siya sa kuwarto niya at nagbihis. Nahahapong umupo siya sa
kama. Palaging ganoon ang sinasabi ng kanyang ama. Wala na itong
nakitang maganda sa pagsasayaw niya.
Bakit ba
hindi nito maintindihan na masaya siya sa ginagawa niya? Sinasabi
naman niya rito na maghahanap din siya ng trabaho.
Natapos
siya ng Accounting noong nakaraang taon ngunit hindi pa niya gustong
magtrabaho. Mas nag-e-enjoy siyang sumayaw. Hindi rin niya
nakakalimutan na may responsibilidad siyang dapat harapin sa pamilya
nila. Hindi rin niya masisisi ang kanyang ama kung bakit ayaw na ayaw
nito sa pagsasayaw niya. Isa rin kasing mananayaw ang kanyang ina.
Iniwan sila nito ng tatay niya noong sampung taong gulang siya dahil
mas pinili nitong magtrabaho sa isang teatro na nakabase sa Amerika.
Mula noon ay wala na silang balita tungkol dito. Marahil ay wala na
talaga itong pakialam sa kanila. Siyempre, nagalit siya sa kanyang
ina dahil sa naging desisyon nito. Ngunit nawala na iyon habang
lumalaki siya. Hindi rin kasi siya ang klase ng tao na nagkikimkim ng
galit. Kahit ano pa ang ginawa nito, ina pa rin niya ito.
Ngayon ay
may pangalawang pamilya na ang itay niya. Muli itong nag-asawa noong
kinse-anyos na siya. Isang mananahi ang naging asawa nito at
nagkaroon ang mga ito ng dalawang anak na lalaki. Anim na taong
gulang ang panganay na anak ng itay niya sa pangalawang asawa nito at
limang taon naman ang bunso. Malapit siya sa mga kapatid niya ngunit
hindi sa ina ng mga ito.
Masama
kasi ang ugali ng madrasta niya at mabigat ang dugo nito sa kanya.
Madalas siyang paringgan nito na kesyo pinagtapos na nga siya ng
kolehiyo ay wala pa rin siyang maitulong sa mga ito. Hindi iyon
totoo. May iniaabot din naman siya sa mga ito mula sa pagsasayaw
niya. Kapag may piyesta ay madalas na kinukuha ang grupo nila upang
sumayaw. Minsan ay sumasali siya sa mga dance contest kasama ang
isang malapit na kaibigan niya.
Noong
nag-aaral pa siya, hindi siya madalas na nanghihingi ng pera sa itay
niya. Ayaw niyang makarinig ng mga patutsada mula sa asawa nito.
Hindi rin sila mayamn upang umasa lang siya sa mga ito. Driver ng
dlivery truck ang trabaho ng ama niya.
Humugot
siya ng hininga bago nagsimulang magdasal. Pagkatapos niyon ay humiga
na siya at pumikit. Dahil sa pagod ay madali siyang nakatulog.
“Ang
daya mo talaga, bro. Mag-aasawa ka na talaga?” napapailing na
tanong ni Chester sa kaibigan at kabanda niya na si Andy. Naroon sila
sa studio nila at hinihintay ang mga kaibigan nila at si Sir Larry
dahil may meeting sila para sa kanilang first concert.
“Bro,
hindi ko na papakawalan si Emma. Niyaya ko na siyang magpakasal, and
she said 'yes,'” nakangiting wika nito.
“Hindi
naman maitatago sa aura mo na umoo siya sa 'yo,” natatawang
wika niya.
Napatingin
siya sa kanyang cell phone nang mag-ring iyon. Nag-excuse muna siya
sa kaibigan niya upang sagutin iyon. Ang mommy niya ang tumatawag.
“Hello,
Mom?”
“Hijo,
congratulations sa album ninyo.”
Mababakas
ang kasiyahan sa tinig ng kanyang ina.
Napangiti
siya. “Thanks, Mom.”
“Pati
ang daddy mo at mga kapatid mo ay masayang-masaya. We know you've
dreamed of this.”
“Sabihin
mo sa kanila na salamat, 'My. And, guess what? Magkakaroon na kami ng
first major concert,” nakangiting pagbabalita niya.
“Really?
Oh, God, we're so happy for you and your friends, hijo.”
Patuloy
na nagsalita ito kung gaano kasaya sa mga na-achive ng banda nila.
Hanggang sa magpaalam ito ay hindi pa rin maalis ang ngiti sa mga
labi niya. Alam niyang masayang-masaya ito para sa kanya.
Todo-suporta talaga sa kanya ang pamilya niya mula pa nang
magdesisyon siyang sumali sa kanilang band kahit sa umpisa ay
nagdadalawang-isip siya roon. Ngunit laking pasasalamat niya nang
sabihin ng mga magulang niya na walang problema sa mga ito kung
magbabanda siya.
Bilang
kapalit, tumutulong din siya sa pamamalakad ng negosyo ng pamilya
nila, kasama ng nakatatandang kapatid niya. Tatlong mall ang pag-aari
ng pamilya nila at nagkalat sa buong Luzon.
Pagbalik
niya sa studio ay naroon na sina Jun at Alex kasama ang kanya-kanyang
fiancee ng mga ito. Katulad ng inaasahan niya, siya na naman ang
naging sentro ng tuksuhan. Ngumiti lang siya at sinabing mas maligaya
siya ngayon sa buhay niya --- at iyon naman talaga ang totoo.
“Uno,
hinahanap ka ng kaibigan mo!” malakas na wika ng asawa ng itay
niya. Nasa likod-bahay siya at naglalaba.
Mabilis
na pinunasan niya ang mga kamay at pumasok sa loob.
Sila lang
ng madrasta niya ang nasa bahay nang araw na iyon. Nasa trabaho ang
kanyang itay at ang dalawang kapatid naman niya ay nakikipaglaro sa
kapitbahay.
Nadaanan
ni Uno sa kusina ang madrasta niya.
“Baka
yayain ka na naman niyang mag-ensayo sa walang-kuwentang pagsasayaw
at hindi ka na naman makatulong dito sa bahay,” wika nito.
Hindi na
lamang siya sumagot at nagtungo na sa labas. Napailing na lamang
siya. Ni hindi man lamang nito pinatuloy sa loob si Macky.
“Halika,
pasok ka muna,” yaya niya sa kaibigan niya.
“Naku,
'wag na,” tanggi nito. “Baka lalong magsungit ang dragon sa
loob.”
Bahagya
na lamang siya natawa sa sinabi nito. “May kailangan ka ba?”
“May
audition sa susunod na araw sa recording studio ng Hype. Kailangan
nila ng backup dancers para sa concert nila. Mag-audition tayo.”
Napaisip
siya. Ang Hype ay ang sikat na banda ngayon sa bansa. Para sa kanya
na nangangarap ng isang trabaho na gusto niya, isa iyong
napakagandang oportunidad. Wala sigurong masama kung susubukan niyang
mag-audition. Ang problema lang ay baka hindi pumayag ang itay niya.
Ah,
bahala na.
“Sige,”
wika ni Macky.
Nang
gabing iyon, nag-ensayo siya kung ano ang sasabihin niya sa kanyang
ama. Siyempre, kailangan niyang maging maingat sa pagkumbinsi rito.
Hindi
niya mapigilan ang mapasimangot nang makita niyang nasa sla rin ang
kanyang madrasta kasama ang itay niya. Nasa kuwarto na ang mga
kapatid niya at natutulog.
“Puwede
ko po ba kayong makausap, 'Tay?” tanong niya nang makalapit sa
mga ito.
Tumango
ito.
Nakita
niyang umismid ang madrasta niya habang nakatutok ang paningin nito
sa telebisyon. Sa palagay niya ay may ideya na ito kung ano ang
sasabihin niya sa kanyang ama.
Umupo
siya. “May audition po kasi sa susunod na araw para sa kukuning
dancers sa isang concert. Gusto ko po sanang subukan,” aniya sa
kanyang ama.
Napatingin
ito sa kanya. “Sayaw na naman?”
Tumango
siya. “Eh, mag-o-audition lang naman po ako. At kung sakaling
matanggap ako, last na po 'to , Itay. Hindi n'yo na po ako makikitang
nagsasayaw. Maghahanap na po ako ng trabaho pagkatapos nito.” Puno
ng pagsusumamo ang boses niya. Kusa na lang iyong lumabas sa bibig
niya para makumbinsi niya nang mabuti ang ama. Siguro pagkatapos
niyon ay maghahanap na siya ng trabahong gusto ng ama.
Hindi ito
nagsalita.
“Sige
na naman, 'Tay. Last na ho talaga.”
“Naku,
hindi ka naman makakapasa riyan sa sinasabi mong audition kaya mabuti
pa ay huwag ka na lang sumali at atupagin mo na lamang ang paghahanap
ng trabaho na may magandang sahod at nang makatulong ka naman dito,”
litanya ng madrasta niya.
Hindi na
lamang niya pinansin ang deretsahang pagmamaldita nito sa kanya.
“Hilda...”
anang ama niya. Kapag ganoon ang madrasta niya ay sinasaway ito ng
kanyang ama. Iyon nga lang, minsan ay hindi talaga napipigil ang
bunganga ng babae.
“'Tay,
sige na naman,” pamimilit niya.
Bumuntong-hininga
ito. “Papayag ako sa gusto mo, pero tuparin mo ang sinasabi mo
na huli na 'yan.”
Napangiti
siya sa narinig. “Naku, salamat po. Itay. 'Wag po kayon
mag-alala, tutuparin ko po ang pangako ko.”
No comments:
Post a Comment